Noong panahon ng Rebolusyong 1896, may mga ulat na may itinatagong anting-anting ang ilang rebolusyonaryong Pilipino. Tampok sa mga anting-anting na ito ang tinatawag na "Santisima Trinidad," ipinagpalagay na ginamit nina Emilio Aguinaldo at iba pang opisyal ng hukbong rebolusyonaryo. Ang ginamit naman ni Andres Bonifacio ay ang "Santiago de Galicia / Birhen del Pilar" at kay Antonio Luna, ang "Virgen Madre."
Noon namang panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, natagpuang suot ng isang nasawing "insurrecto" ang isang chaleco na may nakaguhit na larawan ng Infinito Dios at itinuturing iyon na isa ring anting-anting.
Ipinahihiwatig sa mga halimbawang ito, lalo na sa larawan ng Infinito Dios, na naging makabuluhan ang anting-anting sa saloobin ng mga Pilipino sa kanilang pakikipaglaban sa mga dayuhan para ipagtanggol ang Inang Bayan. Sapagkat hindi nakamtan ng masang Pilipino ang tunay na kalayaan at pagkakapantay-pantay) sinikap nilang matamo ang mga iyon sa ibang paraan. Ang mga maralita't api na walang kapangyarihan dahil sa kahirapan-ay sumapi sa iba't ibang mga samahan at kapatirang milenaryo upang magtamo ng di-karaniwang kapangyarihan.
Noong 1967, ang LAPIANG MALAYA sa pamumuno ni Valentin "Tatang" de los Santos ay humingi ng mga pagbabago sa administrasyon ni Ferdinand E. Marcos. Mga itak at anting-anting lamang ang hawak nila nang walang-awa silang paslangin ng mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, ang anting-anting ay ginagawa nang maramihan upang magtamo ng katuparan ang iba't ibang pangangailangan sa buhay, mapabanal man o hindi sacra o profana. Ganito ang makikita sa mga katalogong ipinamamahagi nang libre sa Peter's Mystical Book Center at sa Saldem Commercial Enterprises, mga katalogong ipinagbibili naman ng ilang tindera ng anting-anting sa Quiapo. Ginagamit ang anting-anting sa pagpapagaling ng nakulam o naengkanto, sa panggagayuma, at maging sa panggagamot. May mga anting-anting na pinaniniwalaang nakapagbibigay proteksyon laban sa mga kapahamakan tulad ng bagyo, lindol, sunog, aksidente, at pananambang. Ang ilan naman ay sinasabing panlaban sa masasamang espiritu tulad ng nuno sa punso, tikbalang, duwende, lamang lupa atbp. May ginagamit din para suwertehin, umunlad ang negosyo, makapasa sa eksamen, maging maligaya at matiwasay ang pamumuhay ng pamilya, madaling makapanganak, o maging ligtas sa sakuna kung naglalakbay.
Ang panampalataya sa Nuno o Bathalismo ang katutubong pananampalataya ng mga Pilipino bago pa man dumating ang mga Kastila. Ito ang mitong pinaniniwalaan ng mga milenaryo sa Banahaw at ng iba pang samahan sa Maynila't karatig na lugar at maging ng mga taong naniniwala sa kapangyarihan ng anting-anting Ngunit sa paglipas ng panahon, ang Dios-na-Tatlong-Persona-sa-lisang-Dios na ipinakilala ng mga Kastila sa mga Pilipino-ay maaaring "isang katutubo" at inangkin ng mga Pilipino, o maaaring naging Hispanisado o inihulog (?) sa Kastila si Bathala.
Ayon sa kuwento, ang Infinito Dios ang una at pinakamakapangyarihan sa lahat. Lumikha siya ng dalawampu't apat na banal na mga espiritu at doo'y kanyang pinili ang Tatlo na nakilala sam ga tawagn ar Tatlong-Persona-sa-Iisang-Dios, Sagrada Familia, at Santisima Trinidad. Ang Tatlo ay kanyang kinatulong at pinaganap sa kanyang mga planong paglikha na ginawa nila ni Maria o Gumamela Celis.
Nang mag-usap ang Tatlong Persona - Dios Ama, Dios Anak at Dios Espiritu Santo - tungkol sa mga bagay na kanilang nilikha, biglang nakisali at nakipagtaguan sa Tatlo ang Nuno o Infinito Dios. Buo ang akala ng Tatlo na sila ang nauna at may karapatang magplano ng mga lilikhain. Hindi nila nalalaman na naplano na pala ang lahat bago pa man sila nalikha.
Lubhang naguluhan ang Tatlong Persona sa misteryosong tinig na kanilang narinig at sa kanilang mga nakita: anyong matang may pakpak, liwanag, at isang matandang lalaki. Habang hinahabol ng Tatlo ang mahiwagang tinig, nagpalitan sila ng mga oracion o makapangyarihang salita hanggang makarating sa pintuan ng langit. Sa yugtong ito, ang Tatlong Persona ay tatawaging "Sagrada Familia."
Hindi alam ng Tatlong Persona na nagmula sila sa Iisang Dios - ang Nuno na ang Dios Ama ay anak ng Nuno, at ang Dios Anak ay apo. Sapagkat hindi ito alam, ninais nilang sakupin at binyagan ang napagkamalan nilang diyos ng mga ereje upang mailigtas. Natapos ang habulan nang pumasok ang Nuno sa Bundok Boord. Pagkatapos ng labanan at batuhan ng mga oracion, at sa mabuting pakiusap, pumayag na magpabinyag ang Nuno (walang iniwan sa isang nakatatandang nagpapaunlak sa kahilingan ng isang nakababata) subalit gagawin ito sa pamamagitan ng sarili niyang kapangyarihan.
Inilabas ng Nuno ang kanyang daliri sa bato upang mabinyagan, tulad ng nakalarawan sa anting-anting na Infinito Dios. Gayunman ang nangyari, sinasabi ng isang kahiwagaan na hindi talaga nabinyagan ang Nuno.
Tatlo ang pinagmulan ng kuwento kung paano nakipaglaban ang Tatlong Persona sa Nuno, at kung paanong ang mito at ang mga oracion ay matatagpuan sa simbolismo ng anting-anting na Infinito Dios. Mabibili ang gayong anting-anting sa mga naglalako ng aklat-dasalan, kandila at medalyon sa Quiapo. Ang tatlo: (1) Melencio T. Sabino, Secreto: Mga Lihim na Pangalan at Lihim na Karunungan (walang palimbagan, 1950); (2) M.T. Sabino, Karunungan ng Diyos (1955); at (3) Kasaysayan ng Langit Kapangyarihan Laban sa Kasamaan.
Makikita mula sa teksto ng mito ng Infinito Dios ang iba't ibang kapangyarihan na ipinagpapalagay na taglay ng anting-anting na Infinito Dios. Maaaring gamitin ang anting-anting ng sinumang marunong magpaandar ng kapangyarihan at mag-aalaga nito.
Masasapantaha na nahirapang unawain ng katutubong isipan ang konsepto ng Tatlong-Persona-sa-Iisang-Dios, kung saan ang ikalawang personang si Jesus ay may mga magulang na karaniwang tao. Upang maging malinaw sa isipan, ang Tatlong Persona (Holy Trinity o Sagrada Familia) ay pinag-isa sa Nuno o Bathala at binigyan ng pangalang Kastila: Infinito Dios. Sinasabi ng mito na ang Infinito Dios ang una at pinagbubukalan ng lahat ng kapangyarihan; sa gayon, nawawala ang alinlangan sa isip na nililikha ng hiwaga ng Tatlong Persona o Santisima Trinidad, at ng Sagrada Familia (ang taong pamilya ni Jesus na ikalawang persona). Pinag-isa ng mito ang katutubong paniniwala sa mga anito (o pagsamba sa mga ninuno) at ang pananampalatayang Katoliko na dala ng mga Kastila; sa gayon, ginagawang Nuno at pinagmulan ng Kastilang Dios ang katutubong Dios na pinakamakapangyarihan sa lahat na si Bathala o Infinito Dios.
Masasabi na ang Infinito Dios o ang Nuno (katutubong Bathala ng mga Tagalog) ay ang henyo o galing ng mga Pilipino na napasok sa bato o anting-anting, na kalian man ay hindi nakapamulaklak at nakapanaig dahil sa kahirapan at kawalan ng kapangyarihan.
Ang patuloy na paniniwala sa kapangyarihan ng anting-anting sa lipunang Pilipino ay paalala na kinakailangan ang isang tunay na pagbabago tungo sa tunay na kalayaan at kaginhawahan ng masang Pilipino.